MOVIE REVIEW: THE BOY FORETOLD BY THE STARS (Dolly Dulu, 2020)

SPOILER ALERT!!

Cute naman yung movie kasi malakas ang chemistry nina Adrian Lindayag and Keann Johnson. Refreshing din to see a local mainstream queer love story na effem ang bida.

Plakado ang formula. May slo-mo landian habang naglalagayan ng paint, may memories montage set to their theme song, may unexpected kiss in a romantic setting (altho medyo bothered ako na magkakasunog sa dami ng kandila sa Bermuda grass), at may mababaw na conflict na nakalimutan na sa dulo kasi gays also deserve the requisite Star Cinema happy ending.

Pero it’s hard not to like this kasi meron din stabs at brilliance lalo na yung very progressive view about homosexuality vis a vis religion. Gusto ko na yung mga bakla talaga ang nag-aayos nung Journey to the Lord at kahit sinasabi na sila ay lie from the devil, sila pa rin ang ginawang leads kasi syempre kelangan well-organized at bongga ang retreat.

Tuwang tuwa din ako sa group of friends kasi very natural lang nila. Yung malakas magpakita ng support pero ang lakas din mang-okray with lines like, “Mahal?? Agad-agad??”. Naisip ko nga kung ginawa ito nung early 2000’s, ang saya siguro to watch Ricci Chan and Phi Palmos as Dominic and Timmy.

Sayang lang at medyo bumitaw ako nung last act sa pagpasok ni Karen. First of all, parang hindi siya yung type na ex-gf na na-picture kong competition talaga ni Dominic. Mukha nga siyang naligaw from some college sa tabi-tabi. Meron pa siyang chaka na extended dance sequence for the promposal scene. (Seriously, bakit ganun ang casting? Kamag-anak ba siya ng producer?). Also, bakit ginamit pa rin ang trope na villain ang babae sa love story ng mga bakla? Wala ba tayo natutunan kay Pearl Gatdula?

And speaking of chaka, ang lakas ng tawa ko dun sa scene na sinunog ni Dominic yung bully niya with the basic “Ang panget mo!” comeback. Bakit nga ba yung mga chaka pa ang malakas manlait no?

Rating: ★★★☆☆

MOVIE REVIEW: FAN GIRL (Antoinette Jadaone, 2020)

SPOILER ALERT!!

Sobrang flop ba ng Goyo? Bakit hindi nakapagbayad ng kuryente si “Paulo Avelino”? (And speaking of Goyo, buti pa si Jane at hindi inantok sa panonood nun.)

Mukhang nasayang ang material kasi si Paulo ang napili na character. Hindi naman goody-goody ang image niya to begin with. Kung makita ko siya na nagyoyosi at umiinom, hindi naman ako magugulat. (Also, bakit parang pini-perpetuate ang stereotype na kapag mahaba ang buhok ng lalaki, may hikaw, may tattoo, nagyoyosi, umiinom, at nagmumura eh villain na agad?) Ang ganda siguro kung nagawa ang pelikula nung pre-Ellen Adarna phase ni John Lloyd Cruz. As a huge fan of Lloydie, baka nahimatay ako dun sa doggy-style scene. (Speaking of ulit, ang weird to see a film condemn misogyny and violence against women tapos may extended rape scene.)

Akting na akting pa si Paulo dito. I wonder kung nasa script talaga ang lahat ng “tangina mo, gago” lines niya. Feeling niya siguro nasa pelikula siya ni Scorsese at ikinaganda ng character niya yung excessive profanity. Buti mas mahalaga sa kanya ang Star Award niya kesa Urian kasi mukhang ipapasoli ng Manunuris ang award niya after seeing this performance.

Pasalamat na lang siya at binuhat siya dito ni Charlie Dizon. Alala ko pa na sobrang irita ako sa kanya as the trying hard bff of Enrique Gil sa Seven Sundays (nung April Matienzo pa pangalan niya) kaya nung makita ko ang trailer, naisip ko most likely di ko magugustuhan ang movie. May aura pa siya ni Alex Gonzaga na parang nakaka-bwiset for no reason (kaya ba siya na-cast as the young Teddie in the Four Sisters prequel?). Anyway, mahusay talaga siya. Totoo ang hype at deserved ang Best Actress win. (Kung meron man false note sa performance niya, siguro yung part na kunwari di siya marunong magyosi kahit obvious naman na sanay siya based sa paghawak niya at pagtaktak ng abo.)

Ang ganda sana kung na-explore fully ang extreme fanaticism. Kaya never ko talaga gusto ma-meet ever ang paborito ko na si Maricel Soriano kasi ayokong ma-disappoint kapag makita ko na nambubugbog pala talaga siya ng mga kasambahay. Obviously bata pa si Jane kaya di rin niya napanood ang Bituing Walang Ningning at Bona. Wala talagang magandang nadudulot kapag na-meet mo na ang idol mo. (Altho sana napanood niya ang Bona para natuto siyang lumaban at buhusan ng kumukulong tubig si “Paulo”.) Pero teka, bakit biglang nawala ang idolatry dahil lang sa attempted kidnapping? Ang labo.

Anyway, gets ko naman na dapat may relevance sa current times ang mga pelikula para hindi simpleng hugot lang ang mga linyahan pero medyo pilit ang political undertones dito. Given the recent headlines, ang off pa na ang resolution ay humingi ng tulong sa perceived oppressors. Hindi rin naman tayo pwedeng mag-ala Ladybird at laging takasan ang problema. Halos pareho lang ito nung #NeverForget message sa Alone/Together na all but forgotten kasi alam naman natin na mas importante ang love story ng LizQuen.

Not a huge fan of this film obvs.

Rating: ★★★☆☆

MOVIE REVIEW: URBAN LEGEND (Jamie Blanks, 1998)

Eto na ba ang weirdest stories na kayang maisip ng mga Amerikano? Walang-wala yan sa imagination nating mga Pinoy.

Maliban sa ahas lover ni Alice Dixson sa Robinson’s Galleria (na take note, twin ni billionaire heiress Robina Gokongwei), aliw na aliw ako nung lumabas ang kuwento na gawa sa pusa ang siopao. Sinabi pa sa akin ng pinsan ko na tingnan ko daw yung mark sa siopao kasi yun ang magsasabi kung ano ang laman niya (kapag yellow dot asado, red dot for bola-bola, at pink dot for sio-meow). Matagal din ako hindi kumain sa Hen Lin nun.

Syempre natakot din ako sa sinabi ng lola ko na wag ako lalabas kapag tanghali (tirik ang araw) kasi meron manunupot (meaning taong naglalagay ng mga bata sa supot). Yung dugo daw ng mga bata ang ginagamit pampatibay ng mga tulay tapos pinupugot ang ulo nila at isinasama sa semento. Kaya kapag dumadaan kami nun sa tulay ng Tanauan sa Batangas, napapaisip ako ilang matitigas na ulong bata na ang nakahalo dun. Buti na lang lagi ako natutulog kapag tanghali.

Pero ang pinaka-orkot moment talaga eh yung tungkol sa White Lady ng Balete Drive. Yung bigla na lang sumasakay sa likuran ng kotse kapag napadaan ka dun ng hatinggabi. Tapos nagka-movie pa na si Zsa Zsa Padilla yung white lady na biglang naging naaagnas na bangkay habang nagsasayaw. Isang buwan ata akong hindi nag-banyo ng gabi dahil sa hinayupak na pelikulang yun. Dapat siningil ko ang Seiko Films para sa UTI bill ko. Huling balita napadpad sa Concha Cruz Drive sa Parañaque yung white lady. Hindi ko rin alam bakit naisipan pa niyang pumunta sa South. Baka gustong mag-malling sa Alabang Town Center.

Rating: ★★☆☆☆

MOVIE REVIEW: HERE COMES THE BRIDE (Chris Martinez, 2010)

“Apir, apir, apir! Hindi na uso yan. Wisik-wisik na lang. Masdan mo ang beauty kwooohhh, tataas ang kilay mwohhh! Tseeehh!!” Achieve na achieve si Angelica Panganiban dito. Definitely one of the best comedic performances in Philippine cinema history.

Mahusay din ang buong ensemble. Ang saya nung sequence ng multiple personality switches during the second solar eclipse. Lalong na-highlight kung gaano ka-talented yung cast. Given naman na magagaling na mga komedyante sina Eugene Domingo, John Lapus, and Tuesday Vargas, pero who knew na sobrang nakakatawa ni Jaime Fabregas? Kahit ilang beses ko na ito napanood ang lakas pa rin ng tawa ko sa Markova bit niya.

Pero yung totoo, kung magising ka isang araw sa katawan ni Angelica, ano ang unang-una mong gagawin? Wrong answers only.

Rating: ★★★★☆

MOVIE REVIEW: US AGAIN (Joy Aquino, 2020)

444A6409-B4C7-4460-B067-895C85D938C0

SPOILER ALERT!!

Ngayon ko lang na-realize na marami palang tao ang may galit sa akin. Hindi ko alam bakit tuwang-tuwa sila na i-recommend ito kahit obvious naman na napakaikli na ng buhay natin dahil sa COVID.

Anyway, so eto na nga nagsayang ako ng Sunday morning para manuod ng isa na namang ghost story. Yes, yun ang plot twist ng movie kaya huwag n’yo na panoorin (I saved more than an hour of your life and a possible visit to the optometrist dahil sa weird choice to use shaky cam dito; you can thank me later). Bakit ba nauso itong multo-multuhan genre sa atin? Hindi pa nga bumababa yung tumaas na suka (as in vomit, not Datu Puti) sa lalamunan ko pagkatapos ng Hindi Tayo Pwede at Love the Way U Lie eh meron na naman bago.

Sayang kasi magaling pa naman umarte sina RK Bagatsing (Mike) at Jane Oineza (Marge). Feeling ko mag-root ako sa love team nila in a far different movie. Pero dito, simula pa lang na lumabas sila na naka-floral couple shirt eh gusto ko na sila agad maghiwalay. Ang toxic ng relationship nila! Hindi ko nga natiis ang awayan ng favorite local couple ko na sina Popoy at Basha sa A Second Chance eh sila pa kaya na naging mag-jowa after ahasin ni Marge si Mike sa long-term gf nito (na bff ni Marge btw). Sorry girl, karma ang tawag diyan.

Nakakalungkot talaga ang state ng healthcare dito sa atin as seen through films. Kung sa Edward ipinakita ang realidad ng kakulangan ng basic facilities for the sick, dito naman ipinakita ang incompetence ng medical industry. Nakaka-bwiset yung isang med tech na puro landi ang inaatupag sa trabaho kaya napagpalit yung urine samples. Tapos yung supervisor ni Marge sabi na the facility can get sued because of what happened pero siya pa rin ang pinag-ayos ng gulo. Wala kayong legal department??

Side note: Ang pinaka-nakakainis na character dito ay yung nanay na nagpa-BP at nung nasaktan eh saka nagreklamo at sinabing kukunin lang naman niya ang x-ray result ng anak niya. Pakibigyan nga si nanay ng reseta for Ensure Gold at isang kilong mani (as in peanuts, hindi yung… alam n’yo na yun).

Anyway ulit, so may pa-plot twist nga sa dulo na kaluluwa ni Mike (na comatose) yung nagpapakita kay Marge. Kahit sobrang obvious naman agad simula nung lumabas siya suot ang white polo na laba sa Tide (huy P&G, ilang beses ko na kayo na-promote ha, send nudes). At di ba nagtataka si Marge na lahat ng tao ang weird ng reaction kapag may kinakausap siya (lalo na yung waiter na nag-take ng order niya for two; although to be fair ganun din naman ang itsura nung judgmental na cashier sa KFC whenever I give my usual order)?

Pero siguro ito talaga ang isa sa mga ultimate nightmares, no? Imagine bwiset na bwiset ka na sa ex mo at gusto mo na maka-move on tapos mumultuhin ka pa ng gago. Sabi ko nga sa’yo Marge na Carmi Martin is just around the corner.

Rating: ★☆☆☆☆

MOVIE REVIEW: LOVE THE WAY Ü LIE (RC delos Reyes, 2020)

AE84EE19-43FF-42E3-8AF3-0FCD7AA7DCFD

SPOILER ALERT!!

Ganito talaga ang klase ng pelikula na dapat pinapanood sa panahon ng pandemic. Yung magpapa-realize sa iyo na napakaikli ng buhay para sayangin sa panonood ng pelikula ni Xian Lim na walang kalatoy-latoy umarte.

Muntik ko na nga hindi tapusin ang pelikula kasi nangangalahati pa lang sobrang naiirita na ako. Si Xian paulit-ulit ang bintang na stalker si Alex Gonzaga (na psychic kaya laging naka-gypsy-gyspsyhan outfit) pero more hatak naman lagi para magpatulong. Yung jowa niya na si Kylie Versoza “died of a car accident” daw pero nabangga ng jeep. Si Alex lang dapat nakakarinig sa multo na si Kylie pero more sigaw ang ibang mga tao tuwing nagsasalita siya.

May eksenang humakbang ang secretary ni Xian sa cable wire offscreen. Tapos normal naman magsalita si Alex pero tinanong sya ni Xian “how it works exactly” at kung sinasapian ba sya ni Kylie. Ha? Hindi naman siya nagboses Sto. Niño diba? Basta nakakairita lahat parang yung umlaut lang sa title. Hindi pa bagay sina Alex at Xian kaya ang apt lang nung Honey, Nasa Langit na Ba Ako? reference with the love team of Regine Velasquez and Janno Gibbs.

Ang daming quirky sound effects at animated doodles at bubbles na mapapaisip ka kung biglang lalabas ang paborito mong K-drama actor. Pero mukhang hindi lang yun ang obvious influence. Hindi ko nga alam kung may pinaglumaang DVD ng Ghost sa Viva office na pilit nilang pinapanood sa mga creatives nila kaya iba’t ibang variations lang nito ang ginagawa nila recently (perfect itong companion piece ng Hindi Tayo Puwede, lalo na sa basurahan). May isang scene pa na garapalang ginaya (ay, homage pala) sa Notting Hill na akala ko madudulas si Xian habang umaakyat ng gate at mapapasigaw ng Filipino equivalent ng “Whoopsie daisy” na “Ay kabayo!!”.

Kung naghahanap kayo ng nakakatawa, fast forward n’yo na lang sa end credits tapos pakinggan n’yo ang nakakarimarim na duet nila ng “Sasakyan Kita” kung saan parang na-impacho kumanta si Xian. Enjoy!!

Rating: ★☆☆☆☆

MOVIE REVIEW: DREAMGIRLS (Bill Condon, 2006)

EAAD5D38-15BE-4861-B8E3-84977B280E84

Favorite part ko nung sinabihan si Effie (Jennifer Hudson) ni Curtis (Jamie Foxx) na wala siyang star quality unlike Deena (Beyonce, as a second-rate singer nyahahaha!) tapos ang tanong niya: “Am I not enough? May kulang ba sa akin? May mali ba sa akin? Pangit ba ako? Pangit ba ang katawan ko? Kapalit-palit ba ako?”

Pero halimaw talaga si J.Hud kapag kumakanta, no? Parang nagiging ibang tao na makakalimutan mo na natalo niya for acting sina Adriana Barraza for Babel at Cate Blanchett for Notes on a Scandal sa Oscars that year. Yung mapapaniwala ka talaga sa sumpa niya na, “You’re gonna love me”.

Grabe din ang choreography ng mga musical numbers dito, lalo na yung mga swaying arm movements at dramatic poses. Papasok ka na straight sa sinehan tapos after ng Move, Dreamgirls Theme, at One Night Only, lalabas ka na ready sumalang sa RuPaul’s Drag Race.

Rating: ★★★☆☆

 

MOVIE REVIEW: MADRASTA (Olivia Lamasan, 1996)

1DC43787-C7BB-4CE5-8D79-F33196CBC7E1

SPOILER ALERT!!

My notes on Madrasta:

1. Bakit obsessed ang Hollywood sa pag-plagiarize ng films ni Claudine Barretto? Masyadong glaring ang similarities ng Got 2 Believe at 27 Dresses. Lalong hindi ako maniniwala na coincidence lang ang mga eksena na parehong-pareho sa Stepmom at Madrasta (kasama na yung confrontation scene ng dalawang nanay sa restaurant at yung ending na pagsali ng madrasta sa family picture). Akala n’yo tayo lang ang walang originality lagi ha. O ayan may masusumbat na din tayo sa Hollywood. Sana ang susunod na gayahin nila ay Kailangan Kita, where we’ll see a braless country girl played by Jennifer Lawrence fall in love with New York celebrity chef Chris Evans.

2. Isa siguro ito sa mga pelikula na kaya kong sumulat ng 1,000-word essay of random thoughts na walang kahirap-hirap. Memorable pa siya kasi bahay ng friend ko nung high school ang ginamit na location dito. Muntik na nga ako magka-film debut nung sinabihan niya kami na naghahanap ng extras for a party scene ni Ate Clau. Ang tagal ko pa namili ng best Giordano outfit ko tapos biglang na-pack up. Ayun siya na lang ang nakasama nung sumunod na shooting day (wearing her best Giordano outfit). Pero feel na feel ko pa rin na kasama ako sa pelikula by association.

3. If you’ll watch this through woke lenses in 2020, lalabas talaga na sobrang problematic niya. Marami kasing aspects ang film dealing with the class divide (“Pinakikisamahan ko na ang mga anak mo. Pati ba naman mga katulong kelangan ko pa pakibagayan?”) to the patriarchal system na hindi na acceptable ngayon. Although it did speak to an audience that lived through that period. Yung mga nakaporma ng Umbro jerseys or yung mga 90’s titos and titas na nagulantang ang pagkatao nang makita si Mariel (Megastar Sharon Cuneta) na nakaupo sa kubeta.

4. Peak Tita Shawie talaga ito. Deserved ang Grand Slam kasi ibang-iba ang atake kumpara sa mga blockbuster 80’s melodramas niya. Yung tahimik lang umiyak pero ramdam na ramdam yung sakit na kahit anong gawin niya, hindi siya talaga magiging parte ng pamilya ng asawa niya. Na kahit nagreklamo siya na lagi siyang nag-take ng backseat para sa mga bata, ang sinagot lang sa kanya ay, “I cannot give importance to my happiness at the expense of my children”. Saklap! Nasabihan pa na hindi masarap ang gawa niyang baked mac huhu.

Best scene niya dito yung almost wordless na pag-iyak niya sa deathbed ng kanyang favorite lolo set to the haunting Moonlight Sonata. Parang binuksang gripo ang mga mata niya pero very restrained ang acting. Halos hindi na rin ako makahinga kakaiyak nung umabot na sa sweet and touching na pa-ilong nila.

5. Nagustuhan ko yung twist na hindi madrasta ang maldita for a change. Effective talaga si Ate Clau basta pasaway ang roles niya (see also: Anak, Dahil Mahal na Mahal Kita). Kahit yung jumper outfits niya parang nagsusumigaw na super bitch. Tawang-tawa ako nung ibinibida siya ni Mariel sa kapatid nito by saying, “Mukhang suplada lang si Rachel pero kapag nakilala mo… ano… (two second pause)… ok naman.” Hahahaha!

Si Ms. Vangieeeee Labalan naman sobrang atribida as the household mayordoma. Walang bukambibig kundi ang kanyang idol na si Ma’m Sandra (Zsa Zsa Padilla). Feeling ko kung ganun din ang ugali niya sa akin, di rin siya magtatagal ng isang linggo. Either that or lagi ko papatunugin yung bell na pantawag sa kanya (very 90’s burgis film nga diba).

6. Speaking of social classes, ang galing nung juxtaposition ng lunch scenes ng dalawang pamilya. Yung kina Mariel talagang magkakatabi sila in a compact dining area tapos ang ingay mag-kwentuhan. Tapos nung kina Edward (Christopher de Leon) na, nasa may garden at naka-long table tapos very refined at tahimik lang. Yung mom lang niya (Madam Tita Muñoz) ang nag-lead ng entire conversation (at mukhang siya rin ang totoong may-ari ng bell).

Naalala ko nung pinanood ko ito sa sinehan sobrang lakas ng tawanan na more lamon ang brother ni Mariel (Cris Villanueva). Tapos biglang sigaw naman nung nahulog ang crab ng isang sister niya (Eula Valdez) na pinulot bigla at inilagay niya sa kandungan. Very relatable talaga sila.

Although ang funniest scene ni Eula for me still was yung pinabili siya ng McCormick Black Pepper tapos ang binili niya cornick kasi akala niya kelangan ng chichirya sa fancy birthday party ni Ate Clau. Bwahahaha!!

7. One of the few local films that first used live sound kaya minsan di mo marinig ang sinasabi ng characters kasi mas malakas pa ang mga palaka sa background.

8. Points to ponder:

“Meron ba namang nagmahal na hindi nasaktan? Kaya ka nasasaktan kasi nagmamahal ka. Pero mas masakit kung naghihintay ka ng kapalit. Yun bang iniisip mo kung ano ang dapat mong matanggap sa halip na isipin mo kung hanggang saan ang kaya mong ibigay. Kasi tayo eh mahilig tayong tumingin sa katabi kapag tayo ay nasasaktan na. Yun bang iniisip nating sila ang may kasalanan. Bakit? Wala din ba tayong mga pagkakamali?”

Rating: ★★★★★