CAREGIVER (Chito Roño, 2008)

5D43F054-7001-4E3B-B60D-04521AC8165A

SPOILER ALERT!!

Mabilis talaga ako maiyak kapag tungkol sa OFW ang pelikula. Napakalungkot kasi isipin lahat ng mga sakripisyo nila matupad lang ang pangarap na magandang buhay para sa pamilya. Yung alam mong titiisin ang lahat (discrimination abroad, homesickness, extra work hours, downgrade sa trabaho) para kumita ng Pounds.

Hindi na bago ang story ni Sarah (Sharon Cuneta), isang magaling na English teacher sa Pilipinas na mas piniling magtrabaho bilang caregiver sa London dahil: 1) “mas malaki ang Pounds kesa Dollars” at syempre lalo na sa Pesos, at 2) yun ang utos ng asawang si Teddy (John Estrada). Nagustuhan ko na malaman ang meaning nito sa status ng kababaihan (married professionals or otherwise) sa ating bansa.

In one scene, pinapanood ni Sarah ang kanyang nanay na pinapaliguan ang kanilang lola. Sinasabi ba nito na lubos na maalaga ang mga babae? O nasa culture nating mga Pinoy ang pagiging mapagmahal sa mga nakakatanda? Kaya ba tayo right fit sa pagiging caregiver? Tumatak sa akin ang masaklap na juxtaposition na hindi man lang niya maalagaan ang lola niya (na hindi siya kilala dahil sa dementia) pero ganun mismo ang job requirement niya sa patients na hindi niya kaano-ano. Ang sakit sa puso.

Mahusay si Sharon dito. Mas gusto ko talaga kapag restrained ang atake niya sa pag-iyak (in peak form nung Madrasta). Ramdam mo yung hiya nung pinagtawanan siya ng isang estudyante na she’ll “make punas punas the pwet of older people there”. At halos masuka na din ako nung kelangan na nga niya magpunas ng pwet.

Sayang kasi nawalan ng direction ang story at naging melodramatic nung naging demonyo bigla si Ted at nung nag-focus sa relationship ni Sarah at Mr. Morgan. Kasi kahit ang dami nang OFW movies (like Anak), may iba pang topics sana na tinutukan (like yung subplot ni Jhong Hilario’s doctor turned nurse na nauwi sa illegal termination) to further show the OFW experience.

At least sa huli na-realize ni Sarah na mas importante ang kanyang self-worth/self-love kesa sa gwapo niyang asawa. Yes, sana all.

Rating: ★★★☆☆

MISSION UNSTAPABOL: THE DON IDENTITY (Michael Tuviera, 2019)

42431B45-7D88-43F8-959B-B61179609721

Move over, Martin Scorsese! Kinabog ng visual effects team ni Bossing ang ginawang de-aging kay Robert de Niro sa The Irishman. Infer, may effort for authenticity ang pelikula. Sana lang nag-level up din siya from the usual Pinoy slapstick humor.

Nung una ko makita ang trailer nito sabi ko parang Ocean’s movie tapos ganun nga siya. Hirap na ako maniwala na very advanced ang technology abroad to pull off that kind of heist eh sa Pilipinas pa kaya? May pa-Mission Impossible reveal pa sa dulo that didn’t make any sense at all. To be fair, may apparent self-awareness siya about local action films na nakakaaliw.

Bakit halos lahat ng ginaya ng character ni Wally Bayola eh from Star Cinema/ABS? (Very Wenn Deramas ang comedy ha.) Napaisip tuloy ako kung wala ba talagang iconic characters ang GMA. Why not Victor Magtanggol or Kara Mia para mas self-deprecating? Konti lang makakuha ng reference?

Gusto ko yung unang eksena pa lang ni Jake Cuenca eh level 10 na agad ang acting niya. Yung parang hindi na ulit siya mabibigyan ng ibang pelikula ever kaya tinodo na niya lahat. Kahit pag-nguya lang niya ng gum talagang may nuance, may galit. Nagsusumigaw na “May Yahoo! OMG Award ako for Male Kontrabida of the Year mga amateurs!”

Rating: ★★☆☆☆

HELLO, LOVE, GOODBYE (Cathy Garcia-Molina, 2019)

9E60B1FC-5D01-48F0-8465-414BD9C20F36

SPOILER ALERT!!

My notes on Hello, Love, Goodbye:

1. Naalala ko nung nagpunta ako ng Hong Kong around 2014, napadaan ako sa Central area isang Linggo at nagulat ako sa dami ng mga OFWs (mostly women) na nasa gilid-gilid mula sa overpass malapit sa train station hanggang sa mismong kalye na ang isang parte ay ipinasara para tayuan ng makeshift stage (“Beauty and the Best” ang theme ng show slash pageant noon).

Parang isang mahabang row ng mga nagpi-picnic ang itsura nila sa kani-kanilang mga puwesto habang nakaupo sa ibabaw ng mga karton ng balikbayan boxes. Maririnig mo ang malalakas na tawanan at maiingay na kuwentuhan/chismisan kasabay ng pagsasalu-salo nilang magkakaibigan sa baong pancit, adobo, at kung anu-ano pang ulam na niluto para sa araw na yun.

Pero mas nakakagulat na ang lahat ng ito ay nagaganap sa harapan mismo ng mga high-end designer stores tulad ng Louis Vuitton, Gucci, Armani, Cartier, atbp. Maganda siyang juxtaposition na sumasalamin din sa OFW experience na kung tutuusin ay nakakalungkot sa kabila ng nangingibabaw na kasiyahan.

2. Isa sa strongest aspects ng pelikulang ito ang realistic depiction ng buhay ng isang domestic helper sa Hong Kong.

May isang montage kung saan ipinakita ang lahat ng ginagawa ni Joy (Kathryn Bernardo) bilang kasambahay, kasama na ang pagbabantay sa isang atribidang lola (“Too cold! Too hot!”) at pag-aalaga sa isang special needs kid. Todo kayod siya kasi nakadepende sa kanya ang pamilya niya sa Pilipinas. Kabilang na dito ang bulag niyang ama at ang mga kapatid na more hingi ng sapatos habang siya naman ay more tiis kasi ang long-term plan niya ay maka-migrate sila ng Canada.

Kaya kahit Nursing ang natapos niya ay mega linis siya ng inidoro (“Ang choice ay para lang sa may pera”) at baka sakaling ma-flush na rin ang kinikimkim niyang sama ng loob.

(Side note: Natuwa ako na hindi blatantly masama ang ugali ng amo ni Joy. Kasi ang typical DH story along the lines of Flor Contemplacion or Delia Maga.)

3. Nagustuhan ko yung direct reference sa Anak kasi hindi ko pa rin makalimutan si Ate Vi bilang the ultimate selfless mother of all DH at kung gaano kadaming pagkain ang tiniis niyang hindi kainin makapagpadala lang ng malaking pera para sa pokpok (ay sorry, troubled) niyang dalaga na si Carla.

Gusto ko rin yung indirect reference sa Sunday Beauty Queen with Joy and her friends joining the pageant for extra income. Kahit sa day-off nila todo kayod pa rin para lang sa pamilya. Ang bigat sa puso.

4. Sobrang effective ni Kathryn dito. Gamit na gamit ang mata-mata acting. Yung level na pinapamukha niya sa mga bashers na deserving din siya ng Urian nomination. (Ang ganda pa ng natural make-up niya na super layo sa espasol look in Barcelona.)

Favorite ko yung scene na depressed siya na sumakay sa train tapos sobrang saklap ng araw niya nakasabay pa ang ex niya at bagong girlfriend nito. Nung tinanong siya kung saang hospital siya nagtatrabaho, ramdam mo talaga yung pait at hiya nung sumagot siya na “DH ako dito. Ending ko din katulad ng nanay ko.” Ouch!!

Pero magaling din siya sa kilig aspect ha. Kapag nakatitig siya kay Ethan (Alden Richards), di mo iisipin na may Daniel Padilla na siya in real life. (Pero siguro kasi ang gwapo din ni Alden dito with the scruffy, playboy look kaya di din siya masyado nahirapan magpanggap, ano?)

5. Speaking of Alden, nag-level up din ang acting niya dito. Nawala yung lalaking puro pabebe wave sa Kalyeserye at lumabas ang isang certified matinee idol. Nung sinabi niya na dapat “All or nothing kasi kung mag-hold back ka, bakit ka pa nagmahal?”, more tango lang ako na parang nabudol-budol. Atsaka yung reaction niya habang pinapanood si Joy na sintunado kumanta at mukhang tanga sa stage, maniniwala ka talaga na true love ang nararamdaman niya. At okay lang rin siguro kahit mang-asar siya at kulitin niya ako habang nagkikiskis ako ng kaldero.

Tapos sobrang puti pa ng legs niya parang mapapabili ako ng lifetime supply ng Snow Caps.

(Side note ulit: Believable na kapatid niya si Jameson Blake down to the dimples. Actually, pati yung bunso na akala ko si Timothee Chalamet papasa din na brother niya haha!)

6. Nung pinanood ko ang BTS ng Anak, na-kwento dun na nahirapan silang i-shoot yung final scene kung saan dadaan sa crowd si Ate Vi kasi lahat gusto siya yakapin, hawakan, at tingnan. Mukhang mas maayos ang crowd control dito considering na nag-shoot sila sa Central at Lan Kwai Fong (isa lang yung super obvious na nagvi-video sa eksena dito).

7. Happy to see Maricel Laxa again. Walang kupas pa rin sa pag-arte. Maganda yung storyline niya bilang nanay ni Joy. May kurot sa puso na alam ng pamilya niya na nagpakasal siya sa iba para maging citizen at ma-petition sila dun.

Joy, walang-wala ang paglilinis mo ng inidoro kumpara sa sakripisyo (at pambubugbog) na na-experience ng nanay mo. Teka, bakit ako naiiyak ulit?

8. Kinilig ako nang todo sa KathDen. Kahit hindi ko maintindihan bakit kelangan nilang ipagsiksikan ang mga sarili nila sa “stuck” room na yun. Puwede naman umusog diba?

Pero malakas talaga ang chemistry nila. Nagulantang nga yung mga KathNiel na nakaupo sa harapan ko dun sa (fake) kissing scene. Yung isa parang hinimatay dun sa “love scene”.

Napaka-possessive naman ng ibang fans. Let your idols grow as artists.

9. TANGA = TANYA. Natatawa pa rin ako dito. (At yung pasalubong na broccoli. Hahahaha!)

10. Kung tutuusin plakado sa Star Cinema template ang pelikulang ito. Nandiyan lahat ng tropes tulad ng chuwariwap friends (bet ko na Mary Dale ang pangalan ni Maymay Entrata at bumagay ang aligaga acting ni Kakai Bautista dito), tatay na maysakit (si Lito Pimental na itinuloy lang ang role niya sa Starting Over Again), sound bite-ready na linyahan na never mo maririnig in real-life conversations (“Kung mahal mo ako, bakit pinapapili mo ako?” “Kung mahal mo ako, bakit di ako ang piliin mo?”, “Don’t you trust me enough?” “Don’t you love me enough?”), etc.

Ang kulang na lang ay ang requisite happy ending na hindi nito ibinigay. Siguro mas malakas ang loob ng Star Cinema kasi hindi naman talaga love team ang KathDen pero it worked for the best.

Ang sakit ng farewell at ang ganda ng realistic ending (“Kung di rin tayo sa huli…”). Bravo!!

11. Yung Ulan daw tungkol sa self-love but for me, nagmukha lang si Maya (Nadine Lustre) na selfish. Etong si Joy na independent, may pangarap, may gustong patunayan, at tinalikuran ang pag-ibig to find her worth ang totoong definition nun.

“Mahal kita pero sa ngayon mas mahal ko ang sarili ko.” I do not love you, Joy. I do not love you.

Rating: ★★★★☆